Quo Vadis
April 4, 2007
Kakapasok ko pa lang sa kwarto ko pagkatapos kong maghapunan ng biglang may tumawag. Tiga-opisina. Dapat daw kumpletuhin ko yung time sheet kasi deadline daw. Teka lang. Naisip ko. Tapos na ako nung Biyernes pa. Sabi nang kausap ko wala daw ako entry nung April 1 at ako na lang ang natitirang hindi nagpasok ng oras ko. Err.. Linggo yun diba?
Mukhang seryoso sila dahil ilang beses akong tinawagan at pati amo ko tumawag din. Sinubukan kong mag-login sa laptop ng kasambahay ko pero hindi rin umumbra. Hindi na gumagana yung password ko. Hindi ko alam kung bakit. Gumamit na lang sila ng supervisor password. Ang tanong ng amo ko: Bakit mo nakalimutan? Hindi ko lang masabi na: Anong klaseng sistema ba yan na para sa buwan ng Marso kailangan akong magpasok para sa unang araw ng Abril na tumapat pa sa Linggo?
————————————————————–
Hindi lang dun nagtatapos ang kamalasan ko. Pero ito kasalanan ko na. Hindi ako nag-submit ng timesheet(na naglalaman ng breakdown ng trinabaho ko para sa isang linggo) sa loob ng dalawang buwan. Putsa. Nag-email yung team lead namin nung lunes na kumpletuhin na daw namin ng Byernes.
Kung sakaling makita nyo ako sa Pinas. Alam nyo na ang nangyari. Natanggal ako sa trabaho dahil sa kulang kulang na timesheet.
————————————————————–
Hindi lang dyan nagtatapos ang kamalasan ko. Medyo naghihigpit na ngayon sa opisina. Bawal na ang hindi approved software(libre man o hindi). Nakatanggap ako ng email kaninang umaga. Ayon daw sa kanilang scanning may Winamp daw ako. May unlicensed sofware daw ako. Teka, libre ang Winamp diba?
Dahil minana ko lang yung desktop hinanap ko sa Program Files folder. Wala. Tiningnan ko sa Add/Remove programs. Wala din. Sinagot ko sa email na wala akong Winamp. Ang sagot sa akin mag-log daw ako ng tiket para tanggalin ng desktop support(kasi wala kaming admin rights). Sumunod na lang ako. Sasagutin ko sana ng: Paano tatanggalin ang isang bagay na wala naman? Pero wag na lang. Baka humaba pa ang istorya.
————————————————————–
Anong natutunan ko sa mga pangyayaring ito? Hirap talaga ako sa “corporate environment”.